Makakatanggap ng panibagong umento sa kanilang buwanang pensiyon ang libu-libong benepisyaryo ng Social Security System (SSS) sa pagpapatupad ng ikalawang tranche ng Pension Reform Program (PRP).
Sa ilalim ng programa, magkakaroon ng 10 porsiyentong dagdag ang mga retirement at disability pensioners, habang 5 porsiyentong dagdag naman ang matatanggap ng mga death at survivorship pensioners.
Ayon sa SSS, bahagi ito ng pangmatagalang reporma na naglalayong mapalakas ang kakayahan ng mga pensioner na harapin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang gastusin sa araw-araw.
Ang ikalawang tranche ay bahagi ng nakaplanong taunang pension increase na ipinatutupad tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027. Nakahanay ito sa layunin ng ahensya na unti-unting mapataas ang benepisyong natatanggap ng mga miyembro at kanilang mga pamilya.
Nakatakda namang ipatupad ang ikatlo at huling yugto ng programa sa Setyembre 2027 para sa mga pensioner na nakarehistro hanggang Agosto 31 ng parehong taon. Sa huling tranche, muli ring makatatanggap ng 10 porsiyentong dagdag ang retirement at disability pensioners at 5 porsiyentong dagdag ang death at survivorship beneficiaries.
Kapag ganap nang naisakatuparan ang tatlong taong Pension Reform Program, inaasahang aabot sa humigit-kumulang 33 porsiyento ang kabuuang itataas ng pensiyon para sa retirement at disability pensioners, habang nasa 16 porsiyento naman ang kabuuang pagtaas para sa mga death at survivorship beneficiaries.
Inaasahan ng SSS na makatutulong ang mga dagdag-benepisyong ito upang mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga pensioner sa gitna ng patuloy na pagbabago ng kalagayang pang-ekonomiya.








