-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit na mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang tropical cyclone na Typhoon Sinlaku, na papangalanang “Caloy” sakaling makapasok sa Philippine Area of Responsibility.

Sa pinakahuling datos, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong humigit-kumulang 2,745 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 150 km/h at pagbugsong hanggang 185 km/h, habang mabagal itong kumikilos pahilaga.

Sa ngayon, nananatili pa rin itong nasa labas ng PAR kaya wala pa itong direktang epekto sa bansa. Dahil dito, inaasahang magpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon sa malaking bahagi ng Pilipinas sa mga susunod na araw.

Gayunpaman, nananawagan ang ahensya sa publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga susunod na update, lalo na’t may posibilidad na pumasok ang bagyo sa PAR sa susunod na linggo.

Batay sa international weather trackers, nananatiling malakas ang bagyo ngunit mababa ang tsansa nitong mag-landfall sa bansa. Sa kabila nito, maaari pa rin itong magdulot ng pagtaas ng alon sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao sakaling mas lumapit ito sa PAR.