Hiniling ni Senator-Judge Robin Padilla na isumite sa impeachment court ang mga credential at sertipikasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Investigation Unit Senior Agent na si John Mark Calilung upang mapatunayan ang kaniyang kwalipikasyon bilang testigo.
Ginawa ni Padilla ang kahilingan matapos ang pagdinig nitong Miyerkules kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa alegasyon ng grave threats laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa senador, mahalagang maiprisinta ang mga certification at iba pang kredensiyal ng testigo upang matiyak ang kaniyang kakayahan at kredibilidad sa pagtalakay ng mga digital evidence na iniharap ng prosecution.
Si Calilung ay kabilang sa mga testigong iniharap ng House prosecution panel sa pagpapatuloy ng impeachment trial. Sa kaniyang testimonya, ipinaliwanag niya ang ilang dokumento at digital materials na bahagi ng mga ebidensiya laban sa Bise Presidente.
Bukod sa paghingi ng mga credential ng testigo, inusisa rin ni Padilla kung sino ang nag-record ng orihinal na Zoom meeting na isinumite bilang bahagi ng ebidensiya ng prosecution.
Ang naturang video ang naglalaman ng pahayag ni Vice President Duterte tungkol sa umano’y pag-uutos sa isang “hitman” sakaling may mangyaring masama sa kaniya—isang isyung kabilang sa mga ebidensiyang sinusuri ng impeachment court.













