Posibleng mawalan ng sahod at allowances si Ronald dela Rosa habang patuloy itong hindi nagpapakita sa Senado, ayon kay JV Ejercito, chair ng Senate Committee on Ethics.
Ayon kay Ejercito, tinalakay ng komite ang mga nakabinbing reklamo laban sa ilang senador gamit ang kanilang “first-in, first-out” na sistema. Sa usapin ni Dela Rosa, may indikasyon umanong pinag-aaralan ng kampo nito ang boluntaryong hindi pagtanggap ng sweldo at allowances habang hindi siya pumapasok sa sesyon—isang hakbang na dati nang iminungkahi ni Ejercito bilang paraan ng pagpapakita ng pananagutan.
Hindi na dumadalo sa sesyon si Dela Rosa mula Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na naglabas umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court kaugnay ng kanyang naging papel bilang dating hepe ng Philippine National Police sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Dela Rosa hinggil sa kanyang patuloy na pagliban at sa isyu ng kanyang suweldo at allowances.













