-- ADVERTISEMENT --

Hinamon ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na ilabas ang konkretong ebidensiya kung may natukoy itong iregularidad sa mga flood control project sa kanyang distrito.

Sa isang pahayag, iginiit ni Duterte na nasa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga dokumentong maaaring magsilbing batayan sa pagsusuri sa mga proyekto, kabilang ang procurement records, kontrata at iba pang records ng implementasyon.

Ayon sa kongresista, kung may nakitang posibleng paglabag o katiwalian ang NBI, dapat itong suportahan ng dokumentadong ebidensiya at hindi lamang ilahad sa publiko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“Kung may ebidensiya kayo ng krimen, ilabas ninyo at panagutin ang dapat managot,” ani Duterte.

Hiniling din niya sa mga imbestigador na iwasan ang tinawag niyang “trial by publicity” at sa halip ay ituon ang imbestigasyon sa mga dokumento at iba pang ebidensiyang maaaring magpatunay kung may naganap na paglabag sa mga proyekto.

Giit ni Duterte, tungkulin ng mga awtoridad na mangalap at magsuri ng ebidensiya upang matukoy kung may pananagutan ang sinumang sangkot sa mga umano’y iregularidad.

Sa ngayon, nananatiling usapin ng imbestigasyon ang anumang posibleng paglabag sa mga flood control project, at kailangan pang mapatunayan sa pamamagitan ng ebidensiya bago matukoy kung may dapat panagutin.