-- ADVERTISEMENT --

Naglabas ng paalala ang Philippine Space Agency matapos matukoy na maaaring bumagsak sa ilang bahagi ng karagatan sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang debris mula sa inilunsad na Long March 3B rocket ng China.

Ayon sa ahensya, inilunsad ang Long March 3B mula sa Xichang Satellite Launch Center noong Martes, at may posibilidad na ang ilang bahagi nito na hindi tuluyang nasunog habang umaakyat sa kalawakan ay mahulog sa mga itinakdang drop zone malapit sa mga karagatan ng Palawan at sa Rozul Reef.

Kabilang sa mga lugar na binabantayan ang mga katubigan malapit sa Puerto Princesa at Quezon, kung saan maaaring bumagsak o maanod ang ilang bahagi ng rocket.

Bagama’t mababa ang posibilidad na direktang maapektuhan ang mga komunidad sa lupa, nagbabala ang PhilSA na maaari pa ring magkaroon ng panganib sa mga barko, eroplano, bangkang pangisda, at iba pang sasakyang dumaraan sa mga apektadong lugar sa dagat.

Binanggit din ng ahensya ang posibilidad ng tinatawag na “uncontrolled re-entry,” isang sitwasyon kung saan ang mga bahagi ng rocket na nasa kalawakan ay muling pumapasok sa atmospera nang walang ganap na kontrol sa eksaktong lokasyon ng pagbagsak.

Dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga mangingisda at mga komunidad sa baybayin, na huwag hawakan, lapitan, o pulutin ang anumang kahina-hinalang debris na posibleng nagmula sa rocket. Ayon sa PhilSA, maaaring naglalaman pa ang mga ito ng mapanganib na kemikal o natitirang rocket fuel na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan.