Nagpsagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng search and rescue operations para sa 21 Pilipinong tripulante ng tumaob na cargo vessel na M/V Devon Bay, na may kargang iron ore, malapit sa Scarborough o Panatag Shoal.
Idineploy ng PCG ang mga barkong BRP Teresa Magbanua at BRP Cape San Agustin, kasama ang dalawang PCG aircraft, upang hanapin ang mga tripulante. Batay sa inisyal na datos, umalis ang barko mula sa Gutalac, Zamboanga del Sur at patungong Yangjiang, China nang mangyari ang insidente.
Ayon sa huling naitalang lokasyon, ang barko ay malapit sa Sabangan Point, Agno Bay, Pangasinan noong gabi ng Enero 22, na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ipinahayag ng PCG Command Center na 10 Pilipinong tripulante ang nasagip ng isang China Coast Guard vessel, na nagsagawa ng humanitarian mission alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay PCG spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, patuloy na minomonitor ng Coast Guard ang sitwasyon at nagpapatuloy ang kanilang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga natitirang tripulante.













