-- ADVERTISEMENT --

Isang babaeng pulis ang nasawi at mahigit dalawampung katao ang nasugatan matapos ang magkasunod na pagsabog sa lungsod ng Lviv sa kanlurang bahagi ng Ukraine—isang insidenteng tinukoy ng mga awtoridad bilang isang “terrorist attack.”

Kinilala ang nasawing 23-anyos na pulis na si Viktoria Shpylka. Nasira rin sa insidente ang isang patrol car at isang pribadong sasakyan.

Batay sa imbestigasyon, rumesponde ang mga pulis sa ulat ng break-in sa isang tindahan malapit sa sentro ng lungsod nang mangyari ang unang pagsabog. Ayon sa Ukrainian National Police, mga improvised o homemade explosives ang ginamit at inilagay umano sa mga basurahan sa lugar.

Sumunod ang ikalawang pagsabog nang dumating ang karagdagang grupo ng mga pulis na tutugon sana sa insidente.

Sa pahayag ni Volodymyr Zelensky, may ilang indibidwal nang naaresto kaugnay ng pag-atake. Kabilang dito ang isang 33-anyos na babae mula sa Staryi Sambir, malapit sa hangganan ng Poland, na pinaghihinalaang kumilos umano sa utos ng isang handler mula sa Russia.