-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) tungkol sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa inilunsad na Long March 8A rocket ng China sa mga katubigan at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon sa advisory ng ahensiya, tinatayang bumagsak ang debris sa unang drop zones sa loob ng EEZ ng bansa: 162 nautical miles mula sa El Nido, Palawan; 185 NM mula sa Puerto Princesa, Palawan; at 101 NM mula sa Patag Island.

Ang ikalawang drop zone sa loob ng archipelagic waters ay nasa 32 NM mula sa Hadji Mugtamad, Basilan; 44 NM mula sa Pangutaran Island, Sulu; at 47 NM mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.

Sinabi ng PhilSA na hindi inaasahan na tatama ang Chinese rocket sa kalupaan o sa mga matataong lugar. Gayunpaman, nagbabala ang ahensiya na maaaring maging mapanganib ang pagbagsak ng debris sa mga barko, eroplano, bangkang pangisda, at iba pang sasakyang dumaraan sa mga nabanggit na drop zones.

Inaabisuhan din ang publiko na ipaalam agad sa lokal na awtoridad kung may makita o mamataang kahina-hinalang debris. Pinag-iingat din ang lahat na huwag lumapit o kunin ang debris dahil maaaring naglalaman ito ng nakalalasong sangkap gaya ng rocket fuel.

Una rito, ayon sa PhilSA, inilunsad ang Long March 8A rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan, madaling araw nitong Biyernes, oras sa Pilipinas.