Malaki ang epekto ng mga pambansang isyu, partikular ang mga anomalyang may kaugnayan sa flood control, sa paghina ng piso laban sa dolyar. Ito ang pahayag ni Marloun C. Gumbao ng City Treasurer’s Office (CTO) Koronadal sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Gumbao, patuloy na humihina ang piso dahil sa kakulangan ng malalaking foreign investors sa bansa, na iniuugnay niya sa lumalaganap na mga isyu ng korapsyon.
Dagdag pa niya, malaking tulong sa ekonomiya ng bansa ang mga remittance ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil ang bawat dolyar na kanilang ipinapadala ay direktang pumapasok sa pambansang kita.
Nanawagan din si Gumbao sa pambansang pamahalaan na hikayatin ang mas maraming bagong foreign investors na pumasok sa bansa.
Tiniyak naman niya na patuloy na ginagawa ng kanilang tanggapan ang lahat ng makakaya upang makatulong sa pagresolba sa paghina ng piso laban sa dolyar.













