Muling magtitipon ang iba’t ibang grupo upang magsagawa ng kilos-protesta laban sa korapsyon kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Ayon kay Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) Convenor Dr. David San Juan, kasalukuyang isinasapinal ang mga aktibidad para sa isang-araw na pagkilos na inaasahang magpapakita ng sama-samang paninindigan ng mamamayan laban sa umiiral na korapsyon. Kabilang sa mga planong gawain ang pagmamartsa sa EDSA, protesta sa EDSA Shrine, pagdaraos ng misa, at iba pang programa.
Batay sa paunang pagpupulong ng mga organizer, inaasahang lalahok din ang mga ralyistang sumama sa mga nagdaang pagkilos tulad ng Trillion Peso March noong Setyembre 21 sa Luneta at ang rally noong Nobyembre 30. Nagpahayag na rin ng pakikiisa ang iba pang sektor at grupo.
Bagama’t nagpapatuloy pa ang mga konsultasyon, inisyal na inirerekomenda ng mga organizer ang pagsasagawa ng anti-corruption program sa EDSA Shrine mula alas-dos hanggang alas-kwatro ng hapon sa araw ng anibersaryo.
Sa panig ng grupong TAMA NA, tinatayang aabot sa sampung libong miyembro ang inaasahang dadalo sa kilos-protesta, bukod pa sa mga kalahok mula sa iba pang organisasyon—isang pagpapakita, ayon sa mga organizer, na buhay pa rin ang diwa ng People Power sa patuloy na panawagan para sa tapat at malinis na pamahalaan.













