Mahigit anim na libong paaralan at milyon-milyong mag-aaral sa Mindanao ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Lunes, dahilan upang ipag-utos ng Department of Education ang pansamantalang pagsuspinde ng mga klase sa mga apektadong lugar.
Ayon sa Department of Education, umabot sa 6,224 paaralan sa mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga ang nakaranas ng epekto ng malakas na pagyanig.
Bukod sa mga gusaling pampaaralan, tinatayang nasa 3.2 milyong mag-aaral at higit 128,000 guro at school personnel ang direktang naapektuhan ng insidente, na nagdulot ng pagkaantala sa mga gawaing pang-edukasyon sa malaking bahagi ng Mindanao.
Bilang pag-iingat, inanunsyo ni Sonny Angara ang suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar hanggang sa makumpleto ang pagsusuri sa kalagayan ng mga paaralan at makapagpalabas ng panibagong abiso ang kagawaran.
Upang mapabilis ang pagtugon, nagtalaga na ang DepEd ng mga structural engineer na magsasagawa ng masusing inspeksyon at damage assessment sa mga paaralang posibleng nagtamo ng pinsala. Layunin nitong matukoy kung ligtas pa bang gamitin ang mga gusali bago muling payagang magbalik ang mga mag-aaral at guro.
Pinahintulutan din ng kagawaran ang paggamit ng pondo mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa agarang pagkukumpuni ng mga pasilidad na nagtamo ng minor damage, na maaaring umabot sa halagang P50,000 kada paaralan.
Samantala, tiniyak ng DepEd na may nakahandang karagdagang pondo at emergency resources para sa mga paaralang mangangailangan ng mas malawakang rehabilitasyon at pagkukumpuni.
Kasabay nito, inatasan ni Angara ang lahat ng school officials na paigtingin ang pagpapatupad ng mga disaster preparedness measures, kabilang ang mahigpit na pagsunod sa evacuation protocols at regular na pagsasagawa ng earthquake drills upang mapanatili ang kahandaan ng mga paaralan sa harap ng mga posibleng aftershock at iba pang sakuna.












