Pormal nang itinalaga bilang undersecretary ng Department of the Interior and Local Government si dating Iloilo City mayor Jed Patrick Mabilog.
Kinumpirma ito ni DILG Secretary Jonvic Remulla matapos manumpa si Mabilog bilang undersecretary for public safety, kung saan inaasahan siyang mangunguna sa mga reporma para sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Remulla, wala umanong intensyon si Mabilog na maghiganti sa kanyang pagbabalik sa gobyerno, taliwas sa mga espekulasyong lumabas matapos ang kanyang muling pagpasok sa serbisyo publiko.
Noong 2017, umalis ng bansa si Mabilog at nanirahan sa Estados Unidos matapos siyang pangalanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang umano’y protector ng ilegal na droga.
Muling bumalik sa Pilipinas si Mabilog noong 2024 at sumuko sa National Bureau of Investigation upang harapin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Kalaunan, noong Enero 15, 2025, pinagkalooban siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive clemency, na naging daan upang muli siyang makabalik sa pamahalaan.
Patuloy namang itinatanggi ni Mabilog ang mga alegasyong siya umano ang nagprotekta sa yumaong pinaghihinalaang drug lord na si Melvin Odicta Sr., na napatay noong 2016.













