Arestado ang isang 39-anyos na lalaki dahil sa paglabag sa Comelec gun ban sa Purok Maligaya, Brgy Bukay, Tantangan, South Cotabato, nito lamang Sabado, Enero 25, 2025.
Ayon sa ulat ng Tantangan Municipal Police Station, nahulihan ng baril at mga bala ang kinilalang suspek na si alyas “Maido”, na residente ng Buluan Maguindanao Sur sa isang Comelec at Anti-Carnapping checkpoint ng Highway Patrol Team South Cotabato at Tantangan MPS, sa nasabing lugar.
Narekober sa pag-iingat ng suspek ang isang unit Cal 9mm pistol na kargado ng isang bala at may kasamang magazine at limang bala.
Nabigo ang suspek na magpakita ng mga kaukulang dokumento sa dala nitong baril kaya’t agad itong inaresto at binasahan ng karapatan para sa kasong paglabag sa RA 10591 Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kaugnay sa pinatutupad na Comelec Gun Ban.