-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni Panfilo Lacson ang pahayag ni Imee Marcos na may kaugnayan umano sa charter change ang mga usapin sa pagpapalit ng liderato sa Senado.

Nauna nang sinabi ni Marcos na posibleng layunin ng mga nagtutulak ng bagong Senate leadership ang pagbuo ng Constituent Assembly o Con-Ass upang amyendahan ang ilang probisyon ng Konstitusyon. Kabilang umano rito ang pagpapalawig ng termino ng pangulo at pagbabago sa minimum age requirement para sa mga nais tumakbong pangulo.

Ngunit ayon kay Lacson, walang katotohanan ang mga alegasyong ito. Giit niya, ni minsan ay hindi umano natalakay sa hanay ng minority bloc ang usapin ng Con-Ass o anumang plano para sa charter change.

Tinawag pa ni Lacson na “hayagan at tahasang kasinungalingan” ang naging pahayag ng presidential sister.

Samantala, patuloy namang naging usap-usapan ang madalas na pagbabago sa liderato ng Senado sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.. Sa loob ng halos apat na taon, apat na ang naupong Senate President — sina Juan Miguel Zubiri, Francis Escudero, Vicente Sotto III, at ang kasalukuyang Senate President na si Alan Peter Cayetano na opisyal na nanungkulan noong Mayo 11, 2026.