Naghahanap na ng bagong tagapagsalita ang defense team ni Vice President Sara Duterte matapos higpitan ng Senate Impeachment Court ang pagpapatupad ng sub judice rule.
Ayon kay Atty. Michael Poa, kasalukuyang abogado at spokesperson ng depensa, kailangan nang mapalitan ang kanyang tungkulin bilang tagapagsalita upang maiwasang malagay sa alanganin ang kanilang kampo sakaling makapagkomento siya tungkol sa mga usaping hindi pa maaaring talakayin sa publiko.
Ani Poa, mahirap tukuyin kung alin sa mga usaping may kaugnayan sa impeachment trial ang maaari nang ihayag sa media, lalo na’t siya mismo ang kumakatawan sa depensa sa harap ng Impeachment Court.
Dahil dito, muli siyang makikipag-usap kay VP Duterte para sa pormal na pagtatalaga ng hiwalay na spokesperson. Sa ganitong paraan, makapagtutuon si Poa sa kanyang mga tungkulin bilang counsel sa paglilitis.
Sa ilalim ng ruling ng Impeachment Court, admonition ang unang parusa sa paglabag sa sub judice rule, habang P30,000 naman ang multa sa bawat susunod na paglabag. Maaari ring humarap sa hiwalay na administrative complaint sa Integrated Bar of the Philippines ang mga abogadong lalabag sa panuntunan.
Nilinaw ni Poa na hindi kailangang abogado ang magiging bagong spokesperson. Ang mahalaga, kaya nitong ipaliwanag sa publiko nang simple at malinaw ang kumplikadong proseso ng impeachment trial at maihatid nang pare-pareho ang opisyal na posisyon ng defense team.













