Kalusugan at seguridad sa pagkain ang ilan sa mga pangunahing usaping nais bigyang-pansin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., partikular para sa mga kabataan.
Sa kanyang vlog, sinabi ni Marcos na kabilang sa mga isinasaalang-alang niya sa paghahanda ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang mga hinaing ng mga kabataang humihingi ng mas malaking suporta laban sa gutom, bisyo at iba pang suliranin.
Ayon sa Pangulo, ilang linggo nilang pinaghandaan ang SONA kasama ang isang team na tumulong sa pananaliksik at pagbuo ng mga bahagi ng talumpati. Siya naman ang personal na sumulat sa unang bahagi at pangwakas ng kanyang mensahe.
Patuloy din umano niyang nirebisa ang talumpati hanggang sa araw ng kanyang pagharap sa Kongreso.
Kabilang sa mga programang binanggit ni Marcos ang Walang Gutom Program at school feeding program, gayundin ang suporta para sa mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis at iba pang serbisyong medikal.
Itinampok din ng Pangulo ang zero balance billing sa mga ward ng DOH hospitals at iba pang assistance para sa mga nangangailangan ng gamot at gamutan.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi lamang pansamantalang tulong ang layunin ng mga programang ito, kundi ang pagtiyak na ang mga Pilipino—lalo na ang kabataan—ay may sapat na nutrisyon at access sa serbisyong pangkalusugan upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.













