Patuloy na binabantayan ng mga doktor ang kondisyon ni Senator Rodante Marcoleta matapos siyang makaranas ng pananakit ng dibdib at pabago-bagong blood pressure.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Health Service, nananatiling stable ang kalagayan ng senador, ngunit hindi pa siya pinapayagang humarap sa paglilitis sa Sandiganbayan habang isinasagawa ang karagdagang pagsusuri sa kanyang kalusugan.
Ipinaliwanag ni Police Lieutenant Colonel Benaly Bayani ng PNP Internal Medicine Department na isinailalim si Marcoleta sa iba’t ibang medical examination, kabilang ang blood tests, matapos siyang makaranas ng pananakit sa dibdib at leeg.
Ayon sa mga doktor, patuloy pa ring mino-monitor ang mataas at pabago-bagong blood pressure ng senador, lalo na dahil sa kanyang edad at naunang kondisyon na hypertension. Bagama’t stable ang kanyang kalagayan sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng iba pang laboratory tests upang matukoy kung maaari na siyang ma-clear para sa susunod na mga aktibidad.
Si Marcoleta ay 72 taong gulang. Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring umabot ng dalawang araw ang isinasagawang medical evaluation dahil sa edad at kondisyon ng senador.
Samantala, kinumpirma ng PNP na binisita ni Vice President Sara Duterte si Marcoleta sa PNP General Hospital noong Martes ng umaga.
Ayon sa PNP, ang mga susunod na pagbisita sa senador ay ibabatay sa resulta ng kanyang medical assessment, bagama’t pinapayagan ang kanyang pamilya at legal counsel na makapunta sa kanya.
Kapag tuluyan nang bumuti ang kondisyon ni Marcoleta at mabigyan na siya ng clearance ng mga doktor, agad itong ipaaalam ng PNP sa Sandiganbayan.













