Lumalala ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos magbanta ang Iran na palawakin ang pagharang sa mahahalagang rutang dinaraanan ng suplay ng langis at iba pang enerhiya.
Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), maaari nilang isara ang iba pang pangunahing sea lanes na ginagamit sa pagluwas ng langis bilang tugon sa muling pagpapatupad umano ng Estados Unidos ng naval blockade sa mga pantalan ng Iran at sa panibagong serye ng mga operasyong militar malapit sa Strait of Hormuz.
Kasabay nito, kinumpirma ng militar ng Estados Unidos na nagsagawa ito ng pitong oras na airstrike sa paligid ng Strait of Hormuz at ilang baybaying bahagi ng Iran. Iginiit din ng Washington na may pananagutan ang Tehran sa pag-atake sa pitong commercial ships noong nakaraang linggo na ikinasawi at ikinasugat ng ilang tripulante.
Nagbabala rin ang Iran na maaari nitong gamitin ang mga kaalyadong Houthi rebels sa Yemen upang hadlangan ang pagdaan ng mga barko sa Bab el-Mandeb, isang mahalagang rutang pandagat na nag-uugnay sa Red Sea at Gulf of Aden at dinaraanan ng malaking bahagi ng pandaigdigang kalakalan at suplay ng langis.
Matatandaang nauna nang nagpahiwatig ang isang mataas na opisyal ng Houthi na posible nilang isara ang Bab el-Mandeb kung magpapatuloy ang mga pag-atake ng Saudi Arabia sa Yemen.
Samantala, nanindigan si U.S. President Donald Trump na maaari niyang ipatarget ang mga pasilidad ng enerhiya, mga power plant, at mga tulay sa Iran kung hindi ito tatalikod sa pagpapatuloy ng nuclear program nito.













