Pinagtibay ng International Criminal Court (ICC) ang kapangyarihan nitong dinggin ang kaso laban kay Rodrigo Duterte matapos ibasura ng Appeals Chamber ang kanyang apela kaugnay ng isyu ng hurisdiksyon.
Sa desisyong binasa ni Luz del Carmen Ibáñez Carranza, malinaw na tinanggihan ng hukuman ang apat na argumento ng depensa, na siyang naging batayan upang tuluyang mawalan ng saysay ang kahilingan ng dating pangulo para sa agarang at walang kondisyong pagpapalaya.
Kasabay nito, kinumpirma rin ng Appeals Chamber ang naunang pasya ng Pre-Trial Chamber I na may sapat na hurisdiksyon ang ICC sa kaso—isang mahalagang usapin na matagal nang kinukwestyon ng kampo ni Duterte. Nakabatay ang desisyong ito sa paninindigan ng hukuman na nagsimula ang imbestigasyon bago pa man tuluyang umatras ang Pilipinas sa Rome Statute.
Hindi personal na dumalo si Duterte sa pagdinig matapos payagan ang kanyang kahilingan na i-waive ang presensya, at sa halip ay kinatawan siya ng kanyang mga abogado.
Sa kabila ng panibagong kabiguan sa apela, nananatiling iginiit ng depensa na kulang sa legal na batayan ang pagpapatuloy ng kaso at patuloy nilang isinusulong ang pagpapalaya ng dating pangulo.
Samantala, ayon kay Kristina Conti, assistant to counsel ng ICC, magpapatuloy ang proseso sa Pre-Trial Chamber I, kung saan inaasahang ilalabas sa Abril 28, 2026 ang susunod na desisyon kung uusad na sa full trial ang kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kontrobersyal na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ang pinakahuling desisyong ito ay naglalapit sa kaso sa isang mas kritikal na yugto, habang patuloy na binabantayan ng publiko at international community ang magiging direksyon ng paglilitis.













