-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng mga House prosecutor na kailangang mapanagot ang sinumang gumagawa ng pagbabanta upang hindi ito maging katanggap-tanggap na asal, lalo na kung ang sangkot ay mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay impeachment prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, isa sa layunin ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay matugunan ang umano’y pagnormalisa ng pagbabanta sa pampublikong diskurso. Sinabi niyang hindi lamang ang umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez ang usapin, kundi maging ang mensaheng naipapadala nito sa publiko.

Binigyang-diin ni Ridon na dapat pantay ang pagpapatupad ng pananagutan sa lahat ng gumagawa ng pagbabanta, maging mga opisyal ng gobyerno o kanilang mga tagasuporta.

Samantala, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, na kabilang din sa House prosecution panel, na seryoso ang alegasyon dahil ang umano’y banta ay nakatuon sa Pangulo ng Republika. Aniya, mahalagang maipakita na walang lugar sa serbisyo publiko ang ganitong uri ng asal.

Para naman kay Deputy Speaker Janette Garin, ang kasong dinidinig ng impeachment court ay may kinalaman sa umano’y banta ng pagpatay at hindi lamang isang karaniwang alitan. Dahil dito, hinikayat niya ang mga opisyal ng pamahalaan na maging maingat sa kanilang pananalita at pairalin ang maayos na pakikipag-usap bilang halimbawa sa publiko.