-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan ng House prosecution na magiging mahalagang bahagi ng kanilang presentasyon ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag upang mabuo ang kabuuang salaysay ng ahensya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, si Matibag ang magsisilbing huling testigo ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV ng impeachment complaint. Aniya, hindi pa maaaring ihayag ang nilalaman ng testimonya dahil nais nilang iprisinta ito sa tamang pagkakataon.

Ipinaliwanag ni Ridon na hindi lamang teknikal na ebidensya ang tatalakayin ng NBI chief. Sa halip, ilalahad nito ang kabuuang resulta ng imbestigasyon ng ahensya, kabilang ang naging papel ng iba’t ibang tanggapan ng NBI sa pagbusisi sa insidente.

Matatandaang nauna nang tumestigo sina NBI Regional Director Jeremy Lotoc at Senior Agent John Mark Calilung hinggil sa mga natuklasan ng Cybercrime Division. Sa pamamagitan ng testimonya ni Matibag, inaasahan ng prosekusyon na maipapakita ang kabuuang posisyon at naging hakbang ng NBI bilang isang institusyon kaugnay ng kaso.