-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Pinangunahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 12 ang sabayang pagsira ng mahigit 50,000 smuggled na sigarilyo sa South Cotabato Health Care Waste Treatment bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na kalakalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay BIR XII Regional Director Christine Juliet R. Chua, CPA, sinabi niyang nasa 50,516 kahon ng sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad mula pa noong 2023 sa patuloy na operasyon kontra smuggling.

Tinatayang umabot sa P2,020,640 ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo, na hindi lamang nagmula sa South Cotabato kundi pati na rin sa iba pang bahagi ng Mindanao, kabilang ang General Santos City, Kidapawan, at Tacurong City.

Upang matiyak ang ligtas at epektibong pagsira ng mga kontrabandong produkto, isinailalim ang mga ito sa Eco-Friendly Ultra High Temperature incineration.

Binigyang-diin din ni Chua na ang lahat ng indibidwal o grupo na sangkot sa pagpupuslit ng sigarilyo ay mahaharap sa kaukulang kaso at pagmumultahin alinsunod sa batas.

Sa kasalukuyan, patuloy ang mahigpit na kampanya ng BIR laban sa smuggling upang maprotektahan ang lokal na industriya ng tabako at matiyak na ang mga sigarilyong ibinebenta sa merkado ay sumusunod sa tamang buwis at kalidad para sa mga mamimili.