-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Hindi tungkulin ng Sangguniang Panlalawigan na manghimasok sa personal na buhay ng isang miyembro nito, ayon kay Vice Governor Arturo “Dodo” Pingoy Jr., partikular na sa kaso ni Board Member at SK Federation President Vincent Figueroa, hangga’t hindi pa ito lumalabag sa kanyang tungkulin bilang Board Member.

Ayon kay Pingoy sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, hindi saklaw ng Sangguniang Panlalawigan ang personal na buhay ng mga miyembro, ngunit kung patuloy na hindi siya dadalo sa mga sesyon at magiging apektado na ang trabaho nito, maaari itong ituring na paglabag sa internal rules ng SP at may kaukulang sanction.

Aniya, hanggang walang pinal na desisyon ang korte sa kasong isinampa laban kay Figueroa, mananatili siyang presidente ng SK Federation.

Idinagdag pa ni Pingoy, hangga’t walang pinal na hatol ang korte at aksyon mula sa pederasyon, mananatiling inosente si Figueroa.

Dagdag pa rito, inihayag ni Pingoy na rerepasuhin nila kung ilang leave credits na ang nagamit ni Figueroa at kung pasok pa ito sa pinapayagang leave ng isang Board Member.

Aminado rin ang Bise Gobernador na wala siyang direktang access sa mga dokumento ng kaso ni Figueroa, at nabasa lamang ang hard copy ng warrant sa social media.

Binigyang-diin ni Pingoy sa publiko na huwag magpadalos-dalos sa paghuhusga at maghintay muna sa magiging desisyon ng korte at aksyon ng SP.

Matatandaan na kumalat sa social media ang isang warrant of arrest sa kasong estafa laban kay Figueroa at sa ina nito.

Pinuntahan din ng Bombo radyo ang tanggapan ni Figueroa upang makunan ng panig nito ngunit wala ang opisyal dahil kasalukuyan umanong on-leave ito.

Hanggang sa kasalukuyan hindi pa naglalabas ng kanyang Statement ang opisyal.