-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang mga awtoridad na agad beripikahin at mahigpit na bantayan ang naiulat na presensya ng apat na barkong pandigma ng China malapit sa Hilabaan, Eastern Samar.

Ayon kay Barbers, kabilang umano sa mga namataang barko ang dalawang Luyang III-class guided-missile destroyer at dalawang Jiangkai II-class frigate.

Giit niya, hindi dapat balewalain ang naturang presensya dahil may kakayahan ang mga barko sa air defense, long-range strike at anti-submarine warfare.

Hiniling ni Barbers sa Department of National Defense, Philippine Navy at Philippine Coast Guard na alamin ang eksaktong lokasyon ng mga barko, kanilang destinasyon at aktibidad, gayundin kung naaayon sa international law ang kanilang operasyon.

Binigyang-diin niya na hindi nangangahulugan ng provocation ang pagiging mapagmatyag, lalo na kung may mga dayuhang barkong pandigma na namataan malapit sa karagatan ng Pilipinas.

Kasunod nito, muling isinulong ni Barbers ang pagtatayo ng naval installation sa Surigao del Norte sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA upang higit na mapalakas ang maritime at national security sa silangang bahagi ng bansa.

Sa kasalukuyan, siyam ang itinalagang EDCA sites sa Pilipinas, kabilang ang mga pasilidad sa Pampanga, Nueva Ecija, Cagayan de Oro, Palawan, Cebu, Cagayan at Isabela.