-- ADVERTISEMENT --

Walang seryosong pinsala sa mga corn farm areas sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN, ayon kay Engr. Julie Belongan, focal person ng Corn Program ng Department of Agriculture (DA) Region XII, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Belongan, layunin ng ahensya na mapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalago ng produksiyon ng mais.

Patuloy ang pamamahagi ng binhi, abono, post-harvest support, makinarya, at warehouse facilities upang matulungan ang mga magsasaka sa tamang pag-iimbak at produksyon.

Target ng rehiyon na maabot ang 6 metric tons ng yellow corn at 3 metric tons ng white corn pagsapit ng 2028, na nangangailangan ng malaking pondo para sa implementasyon ng programa.

Pinaalalahanan din ng DA XII ang mga corn farmers na maging bahagi ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang ma-avail ang mga programa ng ahensya.

Samantala, ipinangako rin ni Belongan sa publiko na bukas ang kanilang ahensya na magbigay ng tulong at suporta, kabilang ang agarang aksyon sa mga isyu na may kaugnayan sa produksiyon ng mais sa buong rehiyon.