-- ADVERTISEMENT --

Tinanghal si Joe Mazzulla bilang NBA Coach of the Year para sa 2025-26 season matapos pamunuan ang matagumpay na kampanya ng Boston Celtics sa kabila ng malaking pagbabago sa kanilang roster.

Si Mazzulla ang kauna-unahang coach ng Boston na nagwagi ng naturang parangal makalipas ang 46 na taon. Huli itong napanalunan ng Celtics noong 1979-80 season sa ilalim ni Bill Fitch.

Sa botohan, nalampasan ni Mazzulla sina J.B. Bickerstaff ng Detroit Pistons at Mitch Johnson ng San Antonio Spurs. Nakakuha si Mazzulla ng 62 first-place votes habang 29 naman ang nakuha ni Bickerstaff.

Sa kabila ng pagkawala nina Kristaps Porziņģis, Jrue Holiday, at Al Horford, pati na rin ang matagal na rehabilitasyon ni Jayson Tatum dahil sa Achilles injury, nagawa pa ring pangunahan ni Mazzulla ang matinding roster overhaul ng Celtics.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, tinapos ng Boston ang season bilang No. 2 seed sa Eastern Conference matapos magtala ng 56-26 win-loss record.

Sa edad na 37, kabilang na ngayon si Mazzulla sa pinakabatang coaches na nagkamit ng NBA Coach of the Year award sa kasaysayan ng liga.