KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP Polomolok at MDRRMO matapos ang naganap na trahedya sa Purok Matulungin, Barangay Magsaysay nitong Martes, Abril 7, 2026.
Ayon sa ulat ni OIC MDRRM Officer Engr. Jonathan Fabulare, sinalakay ng mga awtoridad ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang malalim na paghuhukay na walang kaukulang permit o pahintulot mula sa gobyerno.
Tumambad sa mga rumespondeng tropa ng BFP Special Rescue Unit, MDRRM Team, at PNP ang isang hukay na may lalim na 80 hanggang 100 talampakan.
Napag-alamang mahigit dalawang linggo na umanong ginagamitan ng backhoe ang naturang area sa paniniwalang may nakabaon ditong kayamanan.
Gayunpaman, nauwi sa sakuna ang operasyon nang gumuho ang mabuhanging lupa sa loob ng excavation site.
Sa kabila ng panganib at hirap sa search and rescue operation, matagumpay na narekober ng mga teknikal na rumesponde ang katawan ng biktima, subalit idineklara na itong wala nang buhay.
Mariing nagpaalala naman si Punong Barangay Em-em Labrador at ang lokal na pamahalaan na ang anumang uri ng paghuhukay na walang clearance o permit ay labag sa batas at naglalagay sa panganib sa buhay ng mga manggagawa at komunidad.













