-- ADVERTISEMENT --

Nailigtas ang anim pang tripulante ng isang Vietnamese cargo vessel matapos lumubog ang barko malapit sa Kagitingan Reef sa West Philippine Sea (WPS). Patuloy naman ang search and rescue operations para sa iba pang nawawalang sakay ng barko.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nadagdagan ang bilang ng mga nailigtas matapos lumubog ang MV Khoi Nguyen 18 noong gabi ng Hulyo 25. Umabot sa 62 ang kabuuang bilang ng mga tripulante ng barko nang mangyari ang insidente.

Sa kasalukuyan, 17 katao pa ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Agad namang inilunsad ng PCG ang rescue operations sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan. Ipinadala ang BRP Malapascua at isang aircraft mula Palawan upang tumulong sa malawakang paghahanap sa mga nawawalang tripulante.

Patuloy rin ang koordinasyon ng PCG sa Vietnamese Coast Guard upang makakuha ng karagdagang impormasyon na makatutulong sa isinasagawang operasyon.

Ginagamit din ng mga awtoridad ang Search and Rescue Optimal Planning System, isang teknolohiyang tumutulong sa pagtukoy ng posibleng lokasyon ng mga nawawalang indibidwal upang mapabilis ang paghahanap at pagsagip.

Samantala, iniulat ng Chinese state media na may ilang Vietnamese crew members na nailigtas umano ng mga rescue team ng China malapit sa bahaging tinukoy nilang Chinese-occupied reef.