-- ADVERTISEMENT --

Inihahanda na ng mga abogado at human rights volunteers ang paghahain ng bail para sa mahigit 200 raliyistang inaresto sa Sucat, Muntinlupa City, kasabay ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Legal Counsel Atty. Ephraim Cortez na kasalukuyang kinukumpleto ng kanilang grupo ang mga salaysay ng mga nadetine at inihahanda ang mga dokumentong kailangan para sa kanilang paglaya.

Partikular na binibigyang-prayoridad ang 19 menor de edad na kabilang sa mga naaresto, katuwang ang mga abogado, paralegal at human rights volunteers.

Kinuwestiyon din ni Cortez ang naging pagharang at dispersal ng mga pulis sa protesta. Giit niya, hindi dapat gamitin ang konsepto ng maximum tolerance upang pigilan ang karapatan ng mga mamamayan na magsagawa ng mapayapang kilos-protesta at ipahayag ang kanilang mga hinaing.

Matatandaang naganap ang mga pag-aresto noong Nobyembre 15 sa Sucat People’s Park, kung saan hinarang ang protest caravan ng mga delegado mula Southern Tagalog na patungo sana sa mga pagkilos sa Metro Manila.

Dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga naaresto, kabilang ang 19 menor de edad na kalaunan ay inasikaso sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, iginiit ng Philippine National Police (PNP) na ipinatupad ng kanilang mga tauhan ang maximum tolerance at kinakailangang hakbang upang mapanatili ang seguridad at kaayusan.

Sa ilalim ng Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, obligasyon ng mga awtoridad na pairalin ang maximum tolerance sa mga pampublikong pagtitipon at sa pagpapatupad ng dispersal.

Patuloy namang inaasikaso ng legal team ang mga kinakailangang dokumento at salaysay para sa paghahain ng bail at iba pang legal na hakbang para sa mga naarestong raliyista.