Nanawagan si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance at tiyaking napangangalagaan ang karapatan ng mga mamamayang nakikilahok sa mapayapang kilos-protesta.
Ito ay kasunod ng pag-aresto sa tinatayang 300 rallyists sa Metro Manila noong Linggo, Nobyembre 15, habang nagsasagawa ng mga protesta kaugnay ng inaasahang pagbisita ni US President Donald Trump para sa ASEAN Summit, Pax Silica initiative at iba pang pambansang isyu.
Kabilang sa mga inaresto sa Muntinlupa at Maynila ang mga magsasaka at estudyante.
Ayon kay Diokno, bagama’t mahalagang mapanatili ang kaayusan, hindi dapat malimutan ng mga awtoridad ang karapatan ng bawat Pilipino sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Binigyang-diin niya na mahalagang bahagi ng demokrasya ang kalayaan ng mamamayan na magpahayag ng saloobin, pumuna sa mga polisiya at manawagan ng pagbabago.
Dahil dito, hinimok niya ang PNP na pairalin ang pagpipigil at paggalang sa pagharap sa mga nagpoprotesta, gayundin ang tiyaking hindi nalalabag ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.













