Nilinaw ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang natatanging pribilehiyo sa pagpasok sa Payatas facility ang personal assistant ni dating House Speaker Martin Romualdez na si Arvin de Guzman, sa kabila ng pagkakaapruba sa kahilingan nitong maging on-call 24 oras kada araw.
Ayon kay Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion, hindi nangangahulugan ang naturang arrangement na maaari nang makapasok si De Guzman sa pasilidad anumang oras.
Ipinaliwanag ni Pacion na limitado pa rin sa regular visiting hours, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ang pagpasok ng personal assistant.
Sa labas lamang umano ng BJMP premises naghihintay si De Guzman kapag naka-on-call at wala siyang espesyal na pahintulot na makapasok lampas sa itinakdang oras ng pagbisita.
Naging sentro ng kontrobersiya ang pag-apruba sa naturang kahilingan matapos kuwestiyunin ang pagkakaroon ni Romualdez ng personal assistant habang nasa kustodiya ng BJMP.
Dahil dito, iniutos ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pagpapaliwanag ng BJMP hinggil sa pag-apruba sa arrangement, partikular sa legal at administratibong batayan nito.







