-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ng prosecutors ng International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensya ang naunang testimonya ng apat na testigo na may kaugnayan sa umano’y sistematikong pagpatay at pagtatakip sa mga insidente noong panahon ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sa ikaanim na aplikasyon nito, nais ng prosecution na maisama sa trial records ang mga pahayag nina P-1136, P-1345, P-1391 at P-1404.

Tinalakay sa kanilang testimonya ang paggamit ng drug watchlists, umano’y pamemeke ng police reports, pagtatanim ng ebidensya at pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.

Ayon sa prosecution, makatutulong ang mga pahayag upang patunayan ang umano’y malawak at sistematikong paglabag sa ilalim ng drug war.

Gayunman, kailangan pa ring humarap sa korte ang mga testigo para sa karagdagang pagtatanong at cross-examination ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis sa The Hague, kung saan nahaharap si Duterte sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng mga alegadong pagpatay at tangkang pagpatay.