Posibleng umabot sa 60 hanggang 70 testigo ang iharap ng panig ng mga biktima ng kampanya kontra droga sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.
Sinabi ni Atty. Neri Colmenares, legal counsel ng mga pamilya at biktima ng extrajudicial killings, na nakahanda na ang kanilang mga testigo at ebidensiya para sa paglilitis.
Ayon kay Colmenares, kabilang sa mga ihaharap na ebidensiya ang mga magpapakita sa naging epekto ng kampanya kontra droga sa buhay at kabuhayan ng mga biktima, gayundin ang mga naging hakbang ni Duterte.
Gayunman, may ilang testigo na kinukuwestiyon ng defense team, habang hindi bababa sa 52 stipulations ang maaari pang pag-usapan at pagkasunduan ng magkabilang panig.
Nakatakda namang isagawa sa Nobyembre 2 ang status conference upang plantsahin ang mga detalye ng paglilitis, kabilang ang ebidensiya, mga testigo at proseso ng prosecution at defense teams.
Samantala, aminado si Colmenares na hindi lahat ng kanilang legal team ay makadadalo sa Netherlands dahil sa kakulangan sa pondo, ngunit may mga kinatawan silang inaasahang dadalo.
Umaasa rin ang mga pamilya ng mga biktima na personal na haharap si Duterte sa korte, bagama’t maaari nitong i-waive ang pagdalo sa status conference. Ayon kay Colmenares, may findings din mula sa independent medical assessment na nagsasabing fit ang dating pangulo na humarap sa paglilitis.













