Nakatakda sa Nobyembre 30, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa iskedyul ng korte, magsisimula ang pagdinig alas-10 ng umaga sa The Hague o alas-5 ng hapon sa Pilipinas sa ilalim ng Trial Chamber III, na pamumunuan nina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng kasong may kaugnayan sa murder at attempted murder na umano’y bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Saklaw ng mga kaso ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong alkalde pa siya mula 2013 hanggang Hunyo 2016; pagpatay sa mga tinaguriang high-value targets sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017; at mga insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay kaugnay ng barangay clearance operations mula Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2018.
Sa unang araw ng paglilitis, aalamin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga paratang laban sa kaniya at kung aaminin o itatanggi niya ang mga ito.
Kasunod nito ang opening statements ng prosekusyon, mga legal representative ng mga biktima at depensa kung pipiliin nitong maglahad ng pambungad na pahayag.
Inilaan ang anim na oras para sa opening statement ng prosekusyon at tatlong oras naman para sa mga kinatawan ng mga biktima.
Pagkatapos nito, inaasahang ihaharap ng prosekusyon ang unang testigo bilang bahagi ng paglalahad ng kanilang ebidensiya. Maaari namang baguhin ng korte ang iskedyul ng mga susunod na pagdinig depende sa pangangailangan ng paglilitis.







