Nakahanda ang Philippine Red Cross (PRC) na magpakalat ng halos 2,000 personnel sa iba’t ibang panig ng bansa upang magbigay ng medical at emergency assistance sa publiko ngayong Undas 2026.
Binubuo ang deployment ng 248 staff members at 1,600 volunteers na tututok sa mga matataong lugar, sementeryo at pangunahing dinaraanan ng mga biyahero.
Sa ilalim ng kampanyang “Undas 2026: Safe Homes, Safe Journeys,” pinaalalahanan ng PRC ang publiko na unahin ang kaligtasan sa kalsada at tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe.
Pinayuhan din ang mga pamilyang aalis na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan habang dumadalaw sa mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay.
Sa pamamagitan ng deployment, layunin ng PRC na matiyak ang agarang pagtugon sa mga aksidente, biglaang pagkakasakit at iba pang emergency sa buong panahon ng Undas.
Muling pinagtibay ng organisasyon ang kanilang pangakong maglingkod sa publiko sa ilalim ng motto na “Always First. Always Ready. Always There.”













