Mariing itinanggi ng aktor na si McCoy de Leon ang mga espekulasyong nagsabay ang relasyon nila ng dating partner na si Elisse Joson at ng aktres na si Sachzna Laparan.
Ayon kay McCoy, hindi totoo ang mga kumakalat na impormasyon tungkol sa naturang usapin. Nanawagan din siya sa publiko na maging maingat at responsable sa pagbabahagi ng mga alegasyon, lalo na dahil may mga pamilyang maaaring maapektuhan, kabilang ang isang bata.
Matatandaang inamin ni Sachzna na nagkaroon sila ng relasyon ni McCoy ilang taon na ang nakalilipas. Ipinaliwanag ng aktres na ngayon lamang niya napiling ibahagi sa publiko ang tungkol sa kanilang nakaraan.
Kasunod ng kaniyang rebelasyon, sinabi ni Sachzna na maayos naman ang kaniyang kalagayan. Gayunman, inamin niyang hindi niya alam kung may nasaktan o nagalit sa kaniyang mga sinabi.
Dagdag pa ng aktres, hindi pa niya nakakausap sina McCoy at Elisse matapos ang kaniyang pagbubunyag.
Sa gitna ng mga naging reaksiyon, iginiit ni McCoy ang kaniyang pagtanggi sa mga espekulasyon at hiniling na isaalang-alang ng publiko ang epekto ng pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon sa mga taong sangkot.












