Nakapagtala ang Philippine Navy ng kabuuang 54 na Chinese vessels sa apat na maritime features sa West Philippine Sea mula Oktubre 20 hanggang 26, kabilang ang mga barko ng Chinese Coast Guard at People’s Liberation Army Navy (PLAN).
Sa Bajo de Masinloc, namataan ang 11 Chinese Coast Guard vessels (CCGVs) at anim na PLAN ships. Sa Ayungin Shoal naman, pitong CCGVs at pitong PLAN vessels ang na-monitor.
Samantala, 16 na Chinese vessels ang namataan sa Pag-asa Islands, habang pito naman ang naitala sa Escoda Shoal.
Ang mga ulat ng pagmamanman ay bahagi ng patuloy na pagbabantay ng Philippine Navy sa mga aktibidad ng mga dayuhang barko sa mga katubigang saklaw ng interes at karapatan ng Pilipinas.
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatuloy ang kanilang maritime monitoring at mga operasyon upang pangalagaan ang teritoryo at soberanya ng bansa. Ayon sa militar, isinasagawa ang mga hakbang na ito alinsunod sa international law at sa layuning mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.













