-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang mga pasaherong daraan sa mga pantalan sa bansa ngayong Undas 2026, dahilan upang paigtingin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang seguridad at paghahanda sa mga biyahero.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ilalagay sa alert status ang lahat ng operating unit ng ahensya mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.

Nakatakda ring italaga ang halos 17,000 tauhan sa iba’t ibang pantalan, kasama ang mga barko, floating assets at Deployable Response Group na binubuo ng mga rescue personnel, medic at nurse para sa mga posibleng emergency.

Maglalagay din ang PCG ng mga K9 unit upang tumulong sa inspeksyon ng mga bagahe at matukoy ang mga ipinagbabawal na bagay na maaaring dalhin sa mga barko.

Layunin ng mga hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mapabilis ang pagtugon sa anumang insidente sa panahon ng Undas.