Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nagsagawa ito noong Oktubre 9 ng preliminary investigation sa reklamong obstruction of justice laban kay Senador Robin Padilla kaugnay ng umano’y pagtulong kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na makalabas ng Senado.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, nakatakda ang susunod na pagdinig sa Nobyembre 6, 2026. Dumalo na si Padilla sa paunang pagdinig noong Setyembre 25, ngunit hindi pa siya nakapagsumite ng counter-affidavit.
Inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang reklamo noong Mayo 28, kasunod ng insidente noong Mayo 14. Inakusahan si Padilla na tinulungan umano si Dela Rosa na makalabas ng Senado upang makaiwas sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Itinanggi naman ni Padilla ang paratang, iginiit na hindi niya tinulungang tumakas ang kapwa senador at nakisabay lamang umano ito sa kanyang sasakyan palabas ng gusali.
Patuloy na daraan sa proseso ng preliminary investigation ang reklamo upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng kaso sa korte.












