-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni Pope Leo ang mga obispo mula sa iba’t ibang bansa na humanap ng mga bagong paraan upang higit na masuportahan at mapalakas ang mga modernong pamilya.

Nasa 150 obispo mula sa mahigit 115 bansa ang dumalo sa Vatican para sa isang linggong pagpupulong na nakatuon sa mga aral ng Simbahang Katolika tungkol sa buhay-pamilya.

Bagama’t hindi kabilang sa pormal na agenda, inaasahang tatalakayin sa pagpupulong ang ilang sensitibong usapin, kabilang ang pagtanggap sa LGBT Catholics at mga diborsiyado at muling nag-asawa.

Hinimok ni Pope Leo ang mga obispo na makinig sa isa’t isa, kilalanin ang pagkilos ng Diyos sa buhay ng mga mananampalataya at magkaroon ng tapang na sundin ang Kanyang kalooban.

Bahagi ng pagpupulong ang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Amoris Laetitia, ang dokumentong inilabas ni yumaong Pope Francis na nananawagan ng higit na malasakit sa mga Katolikong nasa mahihirap o hindi perpektong sitwasyon.

Binigyang-diin din ni Pope Leo na dapat makita ng Simbahan ang biyaya maging sa mga pamilyang dumaranas ng limitasyon, sugat at mga sitwasyong maaaring ituring na kabiguan.