-- ADVERTISEMENT --

Inilahad ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang mga sinasabi niyang transaksiyong pinansyal na nag-uugnay sa mga entity na konektado kay Vice President Sara Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sa mga pondong mula sa China.

Ayon kay Trillanes, mahigit ₱319 milyon umano ang pumasok sa Cale88 Foods Corp., isang kumpanyang iniugnay niya kay Carpio. Batay sa mga ulat, sinabi niyang nagmula umano ang mga pondong ito sa Chinese government at mga korporasyong nakabase o nagpapatakbo sa China.

Ibinahagi rin ni Trillanes ang sinasabi niyang ₱150 milyon na natanggap ng Tapang at Malasakit Foundation, isang organisasyong iniuugnay kay Duterte. Ayon sa ilang ulat, ang halagang ito ay kaugnay ng isang proyekto para sa pagtatayo ng 13 classroom buildings.

Iginiit ni Trillanes na maaaring magkaroon ng national security implications ang mga transaksiyon kung mapatutunayang may kaugnayan ang mga ito sa Chinese government o state-linked entities, partikular dahil sangkot umano ang mga entity na konektado sa pamilya ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Gayunman, nananatiling alegasyon ang mga pahayag ni Trillanes at hindi pa ito pinal na napatutunayan sa korte. Iniulat din na ipinrisinta niya ang ilang dokumento at financial records bilang bahagi ng kaniyang mga inilalahad na impormasyon, na nais sana niyang talakayin sa impeachment proceedings.