-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng mabilis, independiyente at masusing imbestigasyon sa sunog sa M/V June Aster sa Coron, Palawan, na ikinasawi ng ilang pasahero at nagdulot ng pangamba sa mga pamilyang naghihintay ng balita sa kanilang mga mahal sa buhay.

Iginiit ni Pangilinan na dapat matukoy hindi lamang ang sanhi ng sunog kundi pati ang anumang pagkukulang at mga dapat managot, gayundin ang mga repormang kailangan upang maiwasan ang kaparehong trahedya.

Binigyang-diin niya ang responsibilidad ng mga regulatory agency, port authority, ship operator at tripulante na tiyaking ligtas at karapat-dapat maglayag ang bawat barko. Kabilang dito ang maayos na fire-prevention at suppression systems, accessible na life-saving equipment at emergency exits, tumpak na passenger manifests at sapat na training ng crew.

Ayon kay Pangilinan, kailangang mauwi sa konkretong aksyon ang imbestigasyon—kabilang ang mas mahigpit na inspeksyon at mas mabilis na emergency response—upang mapalakas ang kaligtasan at tiwala ng publiko sa paglalakbay sakay ng mga ferry.

Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at pakikiisa sa mga patuloy na naghihintay ng balita tungkol sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.