Nasa 70% na umano ang House prosecution panel sa pagpresenta ng Article 1 o confidential funds article ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay panel spokesperson Rep. Renee Co, malaking bahagi na ng mga ebidensiya at testimonya tungkol sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential at intelligence funds ni Duterte ang naiharap na sa impeachment court.
Target ng prosekusyon na matapos ang presentasyon ng Article 1 sa Miyerkules, Setyembre 9. Ayon kay Co, layunin nilang mabuo ang kabuuang larawan ng umano’y iregularidad sa paggastos na sinasabing maaaring bumuo ng betrayal of public trust, isang impeachable offense.
Inaasahan pang ihaharap ng mga prosecutor ang iba pang personalidad na may kaalaman sa paggamit ng confidential funds ng mga tanggapan ni Duterte.
Kabilang sa mga nauna nang tumestigo ang dalawang bank manager, dalawang Commission on Audit auditor, dalawang military official, at dalawang dating executive sa ilalim ni Duterte.













