-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagsasagawa ng oral arguments para sa kanilang mosyon na ibasura ang grave threats case laban sa bise presidente.

Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni VP Sara, maghahain ang depensa ng manifestation upang hilingin ang oral arguments dahil malawak umano ang maaaring maging epekto ng kaso.

Giit ng abogado, maaaring magkaroon ito ng malaking implikasyon sa iba pang impeachable officials, kabilang ang Ombudsman, mga miyembro ng Constitutional Commissions, Supreme Court justices at maging ang Pangulo.

Noong Agosto 13, naghain ang kampo ni Duterte ng motion to quash sa Quezon City Regional Trial Court, na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng korte sa tatlong bilang ng grave threats laban sa bise presidente.

Nag-ugat ang mga kaso sa reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre 2024. Sa naturang pahayag, sinabi niyang mayroon siyang inupahang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

Ginamit din ang naturang pahayag bilang isa sa mga batayan ng Article IV o grave threats sa impeachment complaint laban kay Duterte.