Mahigit 4 milyong indibidwal o higit 1.2 milyong pamilya na ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat.
Batay sa pinakabagong datos ng Office of Civil Defense (OCD), kabilang sa mga apektadong lugar ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at MIMAROPA.
Sa kabuuang bilang, mahigit 51,000 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers.
Samantala, umabot na sa 21 ang naitalang nasawi. Pinakamarami ang casualties sa Benguet na may 15, karamihan ay dahil sa landslide. Tig-tatlo naman ang nasawi sa Rizal at Batangas dahil sa pagkalunod, pagkakuryente at pagguho ng lupa.
Patuloy ding hinahanap ang tatlong naiulat na nawawala mula sa Alaminos City, Pangasinan; Batangas City; at Candelaria, Quezon.
Pumalo na rin sa mahigit P2.6 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang lumampas naman sa P347 milyon ang pinsala sa agrikultura.
Samantala, umabot na sa mahigit P495 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad.













