-- ADVERTISEMENT --

Hindi lamang flood control projects ang susuriin ng Senate Blue Ribbon Committee, kundi pati mga pampublikong imprastrakturang umano’y substandard o hindi maayos ang pagkakagawa.

Ayon kay committee chairman Erwin Tulfo, bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.

Kabilang sa susuriin ang mga tulay, kalsada at iba pang pasilidad na maaaring hindi nakasunod sa itinakdang pamantayan.

Isa sa mga bibigyang-pansin ang gumuhong retaining wall sa EDSA-Ayala northbound sa Makati City na nagdulot ng matinding traffic matapos ang sunod-sunod na bagyo.

Sinabi ni Tulfo na posibleng indikasyon ng korapsyon ang mga proyektong hindi natatapos o madaling masira kahit pinondohan ng gobyerno.

Nakikipag-ugnayan na ang komite sa Department of Public Works and Highways at iba pang ahensya para sa imbestigasyon.

Iginiit naman ni Tulfo na magiging mahigpit ang komite sa pagkalap ng ebidensya at pagsunod sa mga panuntunan ng Senado at umiiral na batas.