-- ADVERTISEMENT --

Inilarawan ng mga awtoridad sa Germany bilang isang posibleng terrorist attack na may kaugnayan umano sa Islamist extremism ang insidenteng kinasangkutan ng isang sasakyan na bumangga sa mga tao malapit sa Pride event sa Berlin.

Naganap ang insidente sa paligid ng Tiergarten Park, malapit sa Brandenburg Gate, kung saan isinasagawa ang Christopher Street Day, isa sa pinakamalaking LGBTQ Pride celebrations sa Europa. Isang puting minivan umano ang ginamit sa pag-araro sa lugar noong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga ulat, isang tao ang nasawi habang 30 iba pa ang nasugatan. Sa mga nasugatan, walo ang nasa malubhang kondisyon at tatlo naman ang kritikal ang lagay.

Kinilala ng mga imbestigador ang suspek bilang si Abdul B., isang German citizen na may Lebanese background. Ayon sa mga awtoridad, kakalaya lamang umano nito mula sa juvenile detention dalawang buwan bago ang insidente at dati nang minomonitor ng domestic intelligence dahil sa posibleng kaugnayan sa Islamic State group.

Nagbabala naman ang Berlin police sa publiko na huwag lapitan ang suspek dahil maaari itong armado at mapanganib. Patuloy ang paghahanap sa kanya habang inaalam ng mga awtoridad kung kumilos lamang siya nang mag-isa o may iba pang kasamang sangkot sa insidente.

Sinabi rin ng pulisya na posibleng may higit sa isang indibidwal na bumaba mula sa sasakyan bago ang insidente, dahilan upang palawakin pa ang kanilang imbestigasyon.

Samantala, tiniyak ng pamahalaan ng Germany na mananagot ang sinumang mapatutunayang sangkot sa insidente. Kasabay nito, muling umigting ang mga talakayan hinggil sa seguridad at mga posibleng hakbang sa paghihigpit ng immigration policies ng bansa.