Inangat na sa Strategic Partnership ang relasyon ng Pilipinas at Canada matapos ang pulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney sa British Columbia.
Sinabi ni Pangulong Marcos na nagkasundo ang dalawang bansa na palawakin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, kabilang ang depensa at seguridad, kalakalan, clean energy, disaster resilience, at food security. Isinagawa rin ang pinalawak na bilateral meeting kasama ang kanilang mga delegasyon upang talakayin ang mga susunod na hakbang sa pagpapalalim ng ugnayan.
Inatasan din nina Marcos at Carney ang kani-kanilang foreign ministers na bumuo ng isang plan of action para maisakatuparan ang mga napagkasunduang hakbang at mapalakas ang pagtutulungan sa gitna ng nagbabagong pandaigdigang sitwasyon at mga magkatuwang na hamon.
Kasabay nito, nagkasundo ang dalawang lider na pabilisin ang negosasyon para sa Canada–Philippines Free Trade Agreement bilang bahagi ng pagpapalawak ng kooperasyong pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Sa usaping panseguridad, muling pinagtibay ng Pilipinas at Canada ang kanilang suporta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific, paggalang sa international law, at sa 2016 arbitral ruling kaugnay ng West Philippine Sea.
Nilagdaan din ng magkabilang panig ang mga kasunduan sa turismo, kultura, paggawa, at migrasyon, na inaasahang higit pang magpapalakas sa ugnayan ng mahigit isang milyong Filipino-Canadian at ng dalawang bansa.













