-- ADVERTISEMENT --

Plano umano ni dating Senate President Vicente Sotto III na magsampa ng kasong libel at cyberlibel laban sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating Marines at tumestigo sa Senado.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, na pinamunuan ni Senator Rodante Marcoleta, inakusahan ng mga naturang witness si Sotto na umano’y tumanggap ng kickbacks mula sa mga flood control projects.

Ayon kay Sotto, sa Lunes pa malalaman kung isasama rin sa kaso ang mga taong umano’y nagpakilala at nagdala sa 18 dating bodyguards na naging witness sa pagdinig.

Samantala, sinabi ni dating Blue Ribbon Committee chair Senator Panfilo Lacson na posibleng maharap din sa kaso ang ilang senador na nanguna sa naturang pagdinig. Giit niya, maaaring isama ang cyber libel at iba pang kaso dahil sa sinasabing “bogus hearing,” at wala umanong parliamentary immunity ang mga mambabatas sa ganitong sitwasyon.

Binatikos naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pagdinig, dahil may hiwalay na imbestigasyon na rin ang kanilang tanggapan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.